Friday, December 31, 2010

2010

1.

Alas-diyes na ng gabi. Dalawang oras na lang bagong taon na. Hindi ko alam kung bakit parang wala masyadong pasabog sa kalsada. Siguro tinikom nga 'yun ng ban sa paputok. O baka nagpapakiramdaman pa lang ang mga tao.

Pero malakas na ang hiyaw ng mga speakers. Kani-kaniyang party-party sounds. Pinakikinggan ko ngayon ang I Gotta Feeling. At tama nga naman.

2.

Paano magpapaalam sa isang buong taon? Sana puwede ko na lang tipunin ang lahat ng damit, larawan, sapatos, sintas ng sapatos, boteng wala nang laman, sumbrero, papel ('yung blangko, at 'yung blangkong tinangkang sulatan), isilid sa isang dambuhalang tubo, pulbuhan ng pulbura, singitan ng mitsa. Sindihan.

At pagdating ng 5, 4, 3, 2, 1, titingala ako sa langit. Panonoorin ang pagliwanag nito. Dahil naging maliwanag ang taong 2010.

Magsasaabo ang lahat. Ang hindi ubusin ng apoy, itatago ko sa ilalim ng higaan ko.

3.

'Yung mga alaala, maaari rin bang ihagis pahimpapawid?

4.

Meron akong mga bagay na dapat panghinayangan. 'Yung mga bagay na ngumangatngat sa likod ko tuwing patulog na ako. Mga taong hindi nakausap, mga pagkakataong hindi sinunggaban, mga bagay na hindi ko naibulong kahit kanino. Mga binitiwan.

Ang dami. Ito na ata 'yung taon ding masyado akong natakot. Kaya, ayun. Ewan.

Pero ang totoo: mas marami pa rin akong ipinasasalamat. At baka 'yun 'yung dahilan kung bakit nakakatulog pa rin ako. Kung bakit gusto ko pa ring salubungin 'yung mga panaginip ko tuwing pipikit. Kung bakit patuloy pa rin akong gumigising, bumabangon.

At isa ka na d'un. Napasaya mo ako. Napangiti. Napa-tanginangsiyet. Grabe. Ikaw: 'yung mga ka-opisina ko, 'yung mga kaibigan ko sa Ateneo, 'yung mga ka-tropa ko sa FRM, 'yung pamilya ko, 'yung mga taong nagpupuno ng sangkatutak na puwang sa buhay ng isang tao. Ikaw, salamat sa 'yo.

5.

Mga resolution ko para sa susunod na taon:

- Magbasa pa. At hindi lang tuwing may panahon. Kahit wala. Kahit sa pagitan lang ng lunch at sa susunod na pagharap sa computer. Kahit bago lang matulog. 'Yung mayayapos mo na 'yung libro.

- Magsulat pa. Ilabas ang mga notebook na natanggap nu'ng birthday at pasko. Punuin ng linya. Tungkol sa mga nakikita. Tungkol sa nais makita. Tungkol sa 'di na nakikita.

- Mag-exercise pa. Dahil panay ang lamon sa opisina. Dahil panay ang lamon sa bahay. Dahil naiimbak na ang mga 'yun sa tagiliran. At dahil ayaw na ayaw mong kinakapos ng hininga.

- Matuto pa. Maraming-maraming bagay pa ang hindi mo alam. At suwerte kang ilang pindot lang ng mouse at keyboard e sasambulat na sa 'yo ang marami du'n. Maghanap. Palagi.

- Magbigay pa. Gawing mas madulas ang palad sa pagbitiw ng pera. Marami kang gustong tulungan. At hindi mo sila matutulungan kung iisipin mo lang na gusto mong tumulong.

- Magmahal pa.

6.

Hello 2011,

Malapit na tayong magkita. Tatagpuin kita sa labas ng bahay namin. Makikita mo akong may hawak na luses. Malamang sumisigaw. Nasasabik kasi ako sa pagdating mo.

Sana magkasundo tayo. At kung hindi man, well, wala naman akong ibang magagawa kundi umusad. Kasabay ka. Turuan mo akong antabayanan ang bawat ihaharap mo sa akin. Ipaalala mong isang taon lang kitang makakasama. Araw-araw.

Maging marahan ka sana. Dalhan mo ako ng ulan paminsan-minsan.

Hayaan mong tumanda ang aking pagkatao ng isa pang taon. Walang labis, walang kulang. Kabigin mo ako kabag inuunahan ko ang sarili ko. Sabihin mong malawak ang panahon. Itulak mo ako kapag nagmamabagal ako. Sabihin mong lagi't lagi, may humahabol sa akin.

Dalhin mo ako sa mga astig na taong magiging astig na kaibigan.

Sa iyo,
Brandz

7.

Malapit na. Palakas na nang palakas ang mga paputok. Sabay na pagdiriwang at digmaan.

Kukunin ko lang ang kahon ng posporo. Lalabas na ako.


Thursday, December 23, 2010

Para Umusad


A Fantasy

Louise Glück

I'll tell you something: every day
people are dying. And that's just the beginning.
Every day, in funeral homes, new widows are born,
new orphans. They sit with their hands folded,
trying to decide about this new life.

Then they're in the cemetery, some of them
for the first time. They're frightened of crying,
sometimes of not crying. Someone leans over,
tells them what to do next, which might mean
saying a few words, sometimes
throwing dirt in the open grave.

And after that, everyone goes back to the house,
which is suddenly full of visitors.
The widow sits on the couch, very stately,
so people line up to approach her,
sometimes take her hand, sometimes embrace her.
She finds something to say to everybody,
thanks them, thanks them for coming.

In her heart, she wants them to go away.
She wants to be back in the cemetery,
back in the sickroom, the hospital. She knows
it isn't possible. But it's her only hope,
the wish to move backward. And just a little,
not so far as the marriage, the first kiss.
12/17/10

And then there is flame: inside a glass, burning in your throat, warming up your heart. And then there is a wish, a dream that cannot be contained. We were content, barefoot, the cold keeping us safe. Then I had to try contact. And you, well you were already far away, far before I realized my failure, chasing after another fire, your hands seeking a spark, your tongue tying itself, with the words you've held back all night. And then there are gifts and we remember that this is not our night. My head clogged, my hands shaking, my heart in the right place. Beneath your heavy palm.

Tuesday, November 2, 2010

Galing akong bakasyon. Oo, bakasyon. As in sakay-sa-eroplanong-punta-sa-di-ka-maaabot-ng-magulang-mo-walang-kakapit-ang-bahay-na-tinuluyan-mo na bakasyon. Sa Cebu.

Kasama ko si kumander, at ilan pang mga kaibigan. Ayos naman. Napagtanto kong di pala ako mabuting manlalakbay. Ni hindi ako mabuting turista. Dahil hindi ko na matandaan ngayon ang mga pangalan ng mga pinuntahan namin. Hindi ko na matandaan kung sinubok kong tandaan ang mga iyon.

Ang naiwan sa bagahe ng alaala ko: tubig-alat, batong may mukha, pangil, maiikling palda, hiyaw na nakabihis-kanta, pusit, kanin, at pusit pa ulit, dragon, gintong isda na hindi goldfish, kandila, lusaw na kandila, latak, altar, hipon, unan, kumot, unan, kumot, unan.

Tulad ng sinabi ko, hindi ako mabuting turista. Nangingilag pala ako sa mga great adventures. Lumalabas ako ng lungsod na kinagisnan ko at ang una kong hinahanap ay yung pamilyar, yung maginhawa, yung unan at kumot. Ewan ko. Siguro takot lang akong ilagay sa panganib yung mga akala kong kabisado ko na: yung mga salita, yung mga imahen, yung mga pinaniniwalaan kong totoo. Kasi parang hinahamon iyon ng bawat paligid. Bawat salitang hindi ko maintindihan, bawat kakaibang kagandahan, bawat antig na hindi ko mawari kung galing saan.

A, ewan. Basta pag-uwi ko ang una kong naramdaman: parang may nakalimutan akong gawin, parang may nakalimutan akong kausapin.

At ito ay para kay Lles:

Pagtahan

Umahon akong parang sumisilang
noong lumubog ka't tumiklop
at nagpabuhat sa mga alon.
Nauna kang nakauwi
sa dalampasigan.

Thursday, October 14, 2010

Psst. May ipagtatapat ako sa 'yo. Hindi, hindi ako pinaghahanap ng mga kinauukulan. (O dapat nga ba?)

Hindi. Ang gusto ko lang namang sabihin e gumawa ako ng panibagong blog. Doon, sa dati kong lungga, sa Tabulas, kung saan ako unang natutong mangalmot ng dingding para sa mga taong mapapadaan, at baka sakaling magtaka sila kung ano ang kahulugan nu'ng mga linyang 'yun. At kung kaninong mga kuko galing 'yun. At baka hanapin nila ako.

Siguro mga tatlong entry na rin ang nasulat ko roon. Isa tungkol sa unang Christmas lights na nakita ko ngayong taon, isa tungkol kay Frelan, at siyempre isang pagpapakilala.

Para akong binatang first time uli nanligaw. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko, kung anong mga kalokohan tungkol sa sarili ko ang ipakikilala ko. Pero ang sarap din nu'ng pakiramdam na 'yun. Kasi nga naman, lahat bago. Wala pang Muli, wala pang paghingi ng tawad, wala pang kahit na ano kundi heto ako, nasa harap mo. At mapapansin mo ako. Di ba?

Pero guess what? Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, bigla na lang siyang na-ban. Binigyan ako ng personal e-mail na computer generated din naman. Sabi baka raw hindi ako sumunod sa patakaran. Hindi ko alam kung ano 'yung sinuway ko.

Sino ba naman kasi ang nagbabasa ng terms and conditions di ba? Hindi naman ako sumali ng promo. Hindi naman milyon-milyon ang nakataya. Ilang salita lang. Na ngayon kaya ko nang basta na lang bitiwan. Limutin.

-----

Kung bakit ako gumawa ng isa pang blog (na ngayon nga ay kaluluwa na lang sa cyberspace). Well, kasi, kasi. Well, wala lang. (Na parang lumayas ka ng bahay mo, nagpaangkin sa lungsod ng tatlong araw, bumalik, at sinabing hi Ma, trip ko na dito uli.)

O siguro 'yun nga 'yun. Na gusto ko munang lumayas sa bahay na 'to. Kahit ako mismo ang gumawa ng bahay na 'to. Ako mismo ang pumili ng mga muebles, nag-design-design ng kaunti, nagtakda kung saan puwedeng mahulog at hindi puwedeng mahulog ang mga bagay, naghikayat sa mga kapitbahay na bumisita at tingnan mo o, di siya kagandahan pero kumportable naman.

Sa 'kin mismo nanggaling na gusto ko maging bahay 'to nu'ng mga tulang nais kong ipakita sa iba, nu'ng mga kuwentong may kasapatan ang kahulugan, lahat maayos ang pagkakasabi, lahat nasa lugar. Ngunit sa mga desisyon kong iyon, parang sumikip nang sumikip ang bahay, naging silid, naging cabinet, naging piitang saktong-sakto lang para sa aking katawan. Ni hindi ako makapag-stomach-out.

Sa huli, siguro hindi ko lang magawang tahanan 'yung mga sarili kong kagustuhan.

Kaya ayun nga lumayas ako saglit. Pero hindi rin ako binigyan ng espasyo sa labas. Hi Ma, trip ko na dito uli.

-----

Nabalitaan ko rin ang paglilipat-blog ni Kael. Kaya ayun, pinagbababasa ko uli ang mga entry niya mula sa simula. (A, naririnig ko mula sa inyo, tama du'n nga galing ang format na 'to). Oo nga, du'n nga galing ang format na 'to.

Ngayon, napapaisip tuloy ako kung ano na nga ba 'ng napala ko sa kakablog ko. At kung saan na nga ba 'to papunta. At kung 'yung pagkakaroon ng sugat ng dingding e sapat nang gantimpala sa mga nagdurugo kong daliri.

Dati, napagmuni-munihan ko na kung ano 'yung kahulugan sa akin ng pagba-blog. Me kinalaman pa 'yun sa tensiyon sa pagitan ng personal at public spaces. Sabi ko isusulat ko iyon, sabi ko iba-blog ko. O at least ikukuwento sa iba kapag awkward silence ang ulam sa hapag-kainan. Hindi ko na maalala kung ano 'yun ngayon. Hindi ko na kasi napag-iisipan 'yung mga gano'ng bagay.

Ang natatandaan ko lang: maraming-marami akong ginustong sabihin. Maraming-marami. Higit pa sa dami ng eroplanong pinanood ko sa himpapawid buong buhay ko. Higit pa sa dami ng beses kong itinuro ang langit at sinabing, "Yan ang Orion." Higit pa sa mga kaibigan ko. Maraming-marami. At natatandaan ko rin mula pa noong unang isinulat ko, hanggang sa nagseryoso akong magsulat, hanggang nakatamo na rin ng pananampal ng komento at paghalik ng papuri, ang talagang ginusto ko lang gawin ay hatakin ka tungo sa isang sulok, maganda kung makahanap ka ng bangko, maganda kung malamig ang hangin at nangungusap ang katahimikan, at sabihin sa 'yo ang mga ito.

At tatahimik ako nang matagal na matagal. Habang pinakikinggan nang maigi ang himig at kahulugan ng lahat ng nais mong sabihin.

Tuesday, September 21, 2010

Hurricanes

Pain has no proportion. There is only the moment and the truth of how it felt.
Pain is not a moment. It is only truth proportionate to how it feels.
Pain is not true. It is only a proportion of the moment of feeling.

Proportion is painless. Only the moment of truth is felt.
Proportionate to no moment of pain. Only, truth is in how it feels.
Proportion has no truth. There is only momentary pain. Feel.

A moment is not painful. There is only the proportionate truth of how it feels.
A moment has no proportion. There is only the pain when truth is felt.
A moment that has no truth is painful. There, proportioned. How does it feel?

Truth has no pain. There is only proportion. The moment. Feeling.
Truth has no proportion. There is only the moment. The painful feeling.
Truth is not a moment. There is only the painful proportion of feeling.

Sunday, August 29, 2010

1.

Noong segundo ng pagkakapatay sa kaniya, sa pagitan ng pagputok at pagbaon ng bala, hinugot ako mula sa aking sarili paloob sa kalooban kong hindi ko matiyak kung bahagi pa ng sarili.

At sa loob noon: tahimik, masikip, malungkot.

2.

Naramdaman ko ang sariling nais kumawala, nais huminga, nais may kausapin. Ngunit para sabihin ang ano? Na may mga bagay akong hindi matanggap, na naniniwala akong walang taong pinipiling maging masama, na karapatan ng lahat ang maduwag?

Na sa labas ng bintana, tumitila na ang ulan, kung kailan maraming-maraming kailangan mahugasan?

3.

Nanatili akong tahimik dahil sumisigaw na ang buong mundo at kung walang makikinig, saan pa pupunta ang mga namamagang tinig na iyon? Ngayon, tinatanggap ko na ang kabiguan kong lumunok ng damdamin at hayaang umalingawngaw ito palabas ng aking lalamunan bilang pakikiramay. May kamay akong nais abutin. May mga mata akong nais tingnan. Ngunit wala, wala akong maihahaing salita.

4.

Noong gabing iyon, maraming bagay ang nabasag. Marahan kong pinupulot ang mga bubog: dugo, maso, putok, patak, ilaw, usok, bakal, bangkay.

5.

Marami pang naiwan.